February 17, 2011

pwede bang pahiram muna?

pahiram muna?


"lahat ng itinanim, mataba man o hindi, pagdating ng tamang panahon, aanihin ng may-ari, sa ayaw at gusto ng mga mag-aani."


Masakit man pero kailangan kong tanggapin. Tumatandad na si ama, ang dating malalakas na tuhod na humahabol sa akin tuwing tatakbo ako kung saan ay nanghihina na. Wala nang magawa si ama kundi ang panoorin ako habang naglalaro.

Ang katawang kanyang pinagmamalaki noon ay tila lantang gulay na. Nanunuyo at may bahid ng kalungkutan. Kalungkutan sapagkat hindi niya alam kung sino na ang titingin sa kanyang pinakamamahal na munting supling.

Ganun nga talaga ang buhay. Lahat lumilipas, walang bagong di naluluma, lahat ng malalakas manghihina rin. Ika nga gaano man katigas ang bato, sa mumunting patak ay naaagnas. Si ama, malapit ng anihin ng nagtanim sa kanya dito sa mundong ito. Unti-unti na siyang iginugupo ng mga sakit na dati ay malayo mong isipin na mararamdaman niya. Madalas na siyang nahihirapan huminga, sumasakit ang kung ano-anung bahagi ng katawan niya.

Pero sa gitna ng mga pangyayaring ito, ay ang mga puso na isang saglit ay naging sakim, sakim dahil nais nilang magdamot. Nais nilang ipagdamot kay ama at sa kanyang may-ari ang pagkakaisa ulit. Sakim man, hindi nila matanggap sa kanilang musmos na mga puso ang paglayo ng kanilang pinakamamahal na ama.
Ayaw nilang mawalay sa kanila ang taong nagturo sa kanila na tumayo dito sa mundong ibabaw, may yaman man o wala. Sapagakat ang bawat isa ay pinagtibay ng pananampalataya at pananalig sa lumikha. Sapagkat anng lahat ng kanyang nilikha ay isang obra na may natatanging katangian na kailan may walang makakapantay. Sa pagkat lahat ay ginawa ng may pagkakaiba.

Ang tapang ko marahil kung masasabi ko ang lahat ng ito ngayon ng tuwid at walang bahid ng pagdaramdam at hinanakit. Hindi, tao lang ako na kailan may hindi naging at magiging perpekto sa mata ng tao at sa hibla ng bawat tadhana ng bawat isa, dahil hindi Niya tayo ginawa para maging kapantay niya. Ginawa Niya tayo kawangis Niya at at para magsilbi sa kanya kapalit ng isang maginhawang buhay dito sa mundong ibabaw.

Kung totoo ang balat sibuyas at plastik na tao marahil isa na ako roon. Buong galak kong pinupuri anng Maykapal sa aking mga sulat gayong sa loob loob ko ay may mga tanong na nagnanais ng malalim na mga sagot. Alam kong kasalanan ang pagdudahan ang kabanalan ng Poong Maykapal. Pero hindi ko maiaalis sa aking mapangahas na isipan, ang mga "bakit" na naghahanap ng mga kaliwanagan.

Masakit ang hampas ng katotohanan. Madaling sabihin ang pagtanggap nung hindi pa ako ang nasa sitwasyon. Madalas sinasabi ko sa mga kakilala ko na tanggapin na lang ang katotohanan para wala ng ingay at gulo. Hindi ko mahanap ang dahilan noon kung bakit may mga taong hindi matanggap ang katotohanan.

Tama sila, pag ikaw ang nasa loob ng puzzle hindi mo alam kung pano lalabas at pano ianalisa ang bawat liko na iyong tatahakin. Samantalang iyong mga nasa labas ay malayang makakapag-isip kung pano mahahanap ang solusyon.

Walang problema sa akin, maluwag kong tatanggapin sa puso ko ang mga bagay na mawawala sa akin. Alam kong darating ang araw na tulad nito, kung saan isa isa mong kukunin ang mga mahahalaga sa akin. Una ang pinakamamahal kong lolo, sumunod ang mga pinsan ko na maaga pay kinuha mo na. Kung paano ko natutunan na tanggapin ang paglisan nila sa buhay ko ay ganun ko rin pag-aaralan ang paglisan ng mga susunod.

Pero nakikiusap ako, wag muna si ama. Buong buhay ko ginugol ko sa iba pang mga bagay. Sa pag-aaral ko na umagaw sa mga panahon na sanay magkasama kaming dalawa ni ama. OO napakaraming biyaya at tagumpay ang naranasan ko sa panahon ng aking pag-aaral. Marami-rami rin akong naipanalong mga paligsahan kapag utak ang pinag-uusapan. Tinuruan niya ako kung paano hasain ang utak ko. Tinuruan niya akong lumaban sa buhay. Pero hindi ako lumaban kasama siya. Nagpadaig ako sa sarili kong kagustuhan. Ninais kong mamuhay mag-isa.

Nung hindi niya na ako kayang pag-aralin, umalis ako ng bahay. Nung panahong nag-uumpisa ng nababawasan ang lakas niyang taglay ay iniwan ko siya at nagbanat ako ng boto para sa sarili ko. Marahil nagtatampo siya sa akin dahil hindi ko man lang binalak na umuwi para dalawin siya. Iilang beses niya na rin akong inalok na umuwi para magkasama naman kami ngayong hindi na ako nag-aaral para mabawi namin ang mga hindi namin nagawa nung nga-aaral pa ko. Ang mamangka, mamingwit, manguha ng prutas, at marami pa. Ngunit tumanggi ako, ang dahilan, nag-iipon ako para makapag-aral. Napag-isip-isip ko, di kaya siya nainsulto, dahil parang pinapamukha ko pa sa kanya na hidi niya ako kayang pag-aralin.

Napakarami kong pagkakamali sa buhay, ngunit siya lang ang bukod tanging tumanggap sa akin ng walang reklamo na maririnig. Bagamat, tinulungan niya pa akong bumangon.

Hindi ko ipinagkakanulo ang nagampanan sa akin ni ina. Siya man ay napakalaki ang itinulong upang mabuo ko kung sino man ako ngayon.

Ngunit bakit ganun? Bakit parang napakaaga naman yata. Marami pa kaming hindi nagawa ni ama. Napakaraming nasayang noon. Alam ko, lahat may pangalawang pagkakataon. Ayokong pangunahan Ka sa anumang desisyong gagawin Mo. Pero nakikiusap ako, wag muna Ama. Nagmamakaawa ako, hindi ko pa kayang bitawan si ama sa buhay ko. Kailangan ko pa siya.

Kay tagal na namuhay ako na walang kuya. Isa sa pangarap ko na magkaroon ng kuya ngunit alam kong hindi mangyayari iyon sapagkat ako ang panganay. Simulat sapol, si ama na ang itinuring kong lalaki ng buhay ko. Marami pa akong gustong sabihin kay ama. Sa kanya ko unang sinabi nung nagkaboypren ako, at gusto ko, sa kanila ko rin unang sasabihin paghaharap na ako sa altar.

Tila nagkamali ako sa aking mga basa sa aking magiging buhay sa hinaharap. Dahil kaakibat ng paglisan ko sa bahay upang maitaguyod ang pansarili kong kapakanan, ay ang responsibilidad na pilit ko mang itinatanggi ay tila buntot na sumusonod sakin. Hindi man nila sabihin ay alam kong umaasa din skin ang mga kapatid ko upang sila man ay makapag-aral. Sayang, sana di na ako umalis upang nagkasama pa kami ng matagal ni ama. Disin sanay natugunan ko ang mga puwang ng aming samahan na iniwan kong blangko noon.

Lahat may pangalawang pagkakataon.

Nagmamakaawa ako, huwag po muna. Ipahiram nyo po muna sa akin si ama. Nakikiusap ako ng pangalawang pagkakataon. Buong puso ko pong hinihingi sa inyo ang buhay niya. Panginoon, pahiram po muna ng buhay niya. Kung ok lang.

No comments: