February 20, 2011

Pwede ba?



uha! uha! uhah!
pagkapanganak pa lang, nakikita na sa akin ang kahinaan na taglay ng isang nilalang na napapabilang sa amin. Sa bawat uha ay nababatid ang pagiging mahinhin, mahiyain, at malambot na personalidad bilang bahagi sa lipunan na lakas ang batayan at tapang ang pinagbabasihan upang ,makamtan ang paggalang na pinakaaasam.


Kahit nung ako ay natuto ng magsalita at makisalamuha sa kapwa. Maynika at bahay-bahayan ang unang pinalaro sa akin. Kapag ka si itay ay papanhik nang bukirin upang mamitas ng sariwang gulay o ang gumala sa parang para manood ng mga ibong naghaharutan sa himpapawid, si kuya lagi ang kasama. "Bakit?", ang tanong ko kay itay, simpleng ngiti at ginugulo pa ang buhok ko nang sabihin niyang,"hindi ka bagay doon, di mo magugustuhan ang pumunta dun,sapagkat madudumihan lamang ang maganda mong damit. Dito ka na lang sa bahay, tulungan mo na lang si nanay na magluto upang may makain tayo pag-uwi namin ni kuya mo."
Sobra naman itong si tatay, alam na kaagad kung magugustuhan ko o hindi ang pagpunta sa parang. Hindi nya siguro alam na nun pa ma'y gusto ko nang maglakbay sa mga parang at umakyat sa mga bundok. Isa din akong adventurera.


Pagbalibaligtarin man ang mundo, hindi maikakaila na kahit anong tapang namin, may isang bahagi sa pagkatao namin na malambot, iyon ay ang mga puso namin. Sa kabila ng bawat nagmamatapang na mukha ko ay ang isang malambot na parte ng pagkatao ko.

Ang parte na madaling umangal sa tuwing nakikitang may inaabusong kapwa sa lipunan. Na siyang madalas kinanaiinisan ng iba dahil masyado lamang sensitibo at wala namang mapapala kapag ka nagreklamo sapagkat madalas, ang reklamo ng kababaihan sa lipunan ay di pinapakinggan at ipinagsasawalang bahala.

Ang parte na madalas sabihing maarte sapagkat napakaraming alam na kapritsuhan na nais gawin ng iilan. Halos sa lahat ng mga bagay ay makikita namin ang mga detalye na kinakailangan upang lalong maging kaaya-aya tingnan lamang.

Ang parte na madalas nagiging dahilan kung bakit sinasabihan kami nang malambot at hindi marunong lumaban. Ang parte kung saan, kahit na ano pa man ang gagawin sa amin ay naririyan at lumalaban kahit nahihirapan. Na sa kabila ng karahasan ay marunong magpatawad sa gitna ng laban at magmahal ng walang kapalit na inaasahan.

Ang pusong nagtatanong paminsanminsan kung bakit ang baba ng tingin nila sa mga kababaihan. Kung bakit tila hindi kami iginagalang. Dahil ba kami ay babae lamang? OO nga at napakaraming mga bagay ang inyong nagagawa na hindi namin nakakayanan, sapat na ba ang mga iyon upang kami ay aba kung ituring?

Kung may mga bagay na panglalaki lamang, may mga bagay na pambabae lamang. Kaya kahit magkaiba ang ginagampanan natin sa lipunan ay tiyak na pareho ang dahilan.
Ang umangat sa karamihan at igalang tulad ng iilan.

Hindi naman sa lahat ng pagkakataon maganda ang mas angat na antas sa lipunan. Ngunit ayaw mo ba ng kunting galang? Kunting galang na babaunin hanggang sa libingan. Galang na nakasulat sa kasaysayan ng buhay ng bawat isa, higit sa kayamanan, pag-aaring walang kapantay

No comments: