kwaderno mo ako noon, sana'y alagaan mo pa rin ako ngayon
hinanakit sa dilim, isang tinig mula sa maalikabok na imbakan.
Matagal-tagal din tayong nagkasama. Halos isang taon din diba?Naaalala ko pa na tuwing umaga, tinitingnan mo ako, kung ok lang ako. Sinisigurado mong kasama mo ako sa pagharap mo sa bagong araw mo kasama ang iyong pinakakinatatakutang guro. Pagkapasok ng guro mo sa silid aralan, tinitingnan mo ako kaagad. Natatakot kang harapin ang masungit mong guro ng hindi ako kasama. Alam mong pagwala ako, makakalimutan mo gagad ang mga itinuro sa iyo ng titser mo kahapon. Sa tulong ko, naaalala mo ang mga aral na itinuro kahapon ng guro mo. Tuwing hapon, ako pa rin ang kasama mo hanggang sa uwian. Sa paglisan ng mga kaklase mo, at isa-isa ng mag-uuwian sa kani-kanilang tahanan, madalas ako ang naiiwang iyong kasama hanggang sa pagdating sa bahay. Di ba nga minsan napagalitan ka ng nanay mo nung minsang hinayaan mo akong mabasa ng ulan. Sa inis mo ibinalibag mo ako. Ang sakit ng katawan ko nun. Halos manglupaypay ako. Pero labis ang pangangailangan mo sa akin, hindi mo ako kayang kallimutan na lang basta-basta. Kahit anong mangyari, ako pa rin ang kailangan mo. Akin pang nahihimay sa aking gunita, na tila habang buhay ng idinikit sa kabuuan ng aking alaala, ang mga panahong, dahan dahan mo akong hinahawakan ng nanginginig pa ang iyong kamay sa tuwing dadaan ang iyong lihim na iniirog. Sa tuwing mahinhin na ngingiti ang iyong sinisintang binibini.Na kapag hindi mo naiintindihan ang leksyon ay sinusulat mo sa akin anng kanyang pangalan at tuwang tuwa ka habang nakangiting ginuguhit ang mga hugis puso sa paligid ng pangalan ninyong dalawa ng magandang binibini. Masaya rin ako sa tuwing nakikita kitang masaya.
Luha at ngiti ang pinagsaluhan natin ng halos isang taon. Iniingatan mo pa nga ako na huwag magasgasan upang mapanatili ang aking kalinisan. Ayaw mo akong ipahiram sa iyong mga kaklase na tamad magsulat.NUng huling pagsusulit, pinag-agawan ako ng mga kaklase mo para makapag-aral din silang mabuti upang maibsan ang pangamba na baka bumagsak sila at hindi makakuha ng diploma pagdating ng pagatatapos. Ngunit hindi ka pumayag, ayaw mong mapunta ako sa mararahas na kamay na hindi marunong mag-alaga ng gamit.
Magdamag kang nag-aral kasama ako. Nais mong matumbasan ang pag-aalaga ng mga magulamg mo sa pamamagitan ng pagkuha ng matataas na marka sa mga pagsusulit. Kung maaari lang akong sumigaw at sabihing, magpahinga at umidlip ka naman upang makapag-ipon ng lakas para sa pagsusulit. Kung pwede lang kitang kalabitin at sabihing magpahinga ka naman saglit upang hindi ka mangarag pagdating ng pagsusulit. Ngunit sadyang wala akong kapangyarihang baguhin ang estado ng buhay ko, sapagkat ako ay isang abang pipi lamang, ginawa upang matulungan ka sa iyong pag-aaral at hindi para makialam sa mga disisyong iyong gagawin. Mugtong mugto ang iyong mga mata kinabukasan, dinaig mo ang namayan na magdamag na umiyak. Subalit matatag ka, likas sa iyo ang pagiging matapang at malakas ang loob. Sa kabila ng pagpupuyat, nakangiti kang pumasok sa eskuwela at taas noong ipinasa ang pagsusulit. Di man nagyayabang, labis ang tuwa mo nang batiin ka ng iyong iniirog na binibini. Lalong lumakas ang iyong loob na siya ay haranahin upang makamit ang kanyang ginintuang "oo" na makapagpapasaya ng mundo mo kung papalarin.Abot tenga ang ngti mo sapagkat alam mong malaki ang tsansang sasagutin ka ng iyong sinisinta sa taas ng marka mo. Paparating na ang pagtatapos. kumukunti ang mga aralin, pumapasok na lang kayo upang pagsanayan ang kantang iaalay niyo sa darating na pagtatapos.Madalang narin tayong magkasama. NI halos hindi mo na nga ako magawang dalawin sa ating tambayan. OO. parang nasasaktan ako na tila ba nakalimutan mo na ako kaagad. ang bilis naman.
Dumating ang pagtatapos, nagkamit ka ng maraming medalya. Sinagot ka na rin ng iyong iniirog na sinta. Ang saya saya mo noon. kitang kita ko. Ngunit hindi mo na kinikwento sa akin ang lahat ng mga yun. Marami ka nang kakuwentuhan, at hindi mo na ako kailangan. Dinaramdam ko ang pagkawala ng masaya nating samahan. Ako ngayon ay nag-aaral lumangoy, upang hindi ako malunod sa ilog ng luha na aking tinatahak ngayon. Nais ko man ngunit di ko mapigilan ang pagdaramdam ng aking damdamin.
Ngunit ako'y hindi marunong magtanim ng galit. Ako'y walang karapatang magbalangkas ng hinanakit sapagkat pag-aari mo lang ako. Gayunpaman, ako'y natutuwa sapagkat kahit di mo na ako kasakasama ngayon, naandito parin ako sa iyong kwarto, nakahimlay kasama ng iyong mga pinakaiingatang mga gamit, na tulad ko ay mga piping saksi ng iyong mga tagumpay sa likod ng mga luha at hinagpis sa iyong pagharap sa mga pagsubok. Subalit sadyang mabilis ang pag-inog ng mundo. Bagamat nasa kamay ng tao ang pagbabago sa halos lahat ng aspeto, hindi natin mapipigilan ang natural na mga pagbabago sa ating kapaligiran kaakibat ng pagdagdag ng mga bagong kakilala at kaibigan na maaring makakadagdag sa pagbabago ng galaw ng iyong mundo.
kolehiyo ka na, bago lahat ang mga gamit mo, at kasama ako sa papalitan mo. May bago ka nang makakasama. Tuluyan mo na akong kinalimutan, inalis mo na ako sa study table mo. Higit pa roon ay ipinalagay mo ako sa bodega, kasama ng iba pang mga lumang gamit na iyo na ring pinaglumaan. Hindi ko mapigilan ang bugso ng damdamin ko. Labis akong nalungkot. Hindi ko akalain na makakalimutan mo kaagad ang halos isang taon nating pinagsamahan. Nakakalimutan mo na ba ang mga panahong nagtagumpay ka dahil kasama mo ako? Alam mo ba na kahit kailan ay hindi ko ipinagkalat ang mga lihim na sinulat mo sakin? Hindi ako ng katulad ng iba mong kaibigan na ipinagkakalat ang maseselang bagay na lihim mong itinago. Akin pang naaalala lahat ng sinulat mo sakin, wala akong ni isa na nakalimutan.
Ganunpaman, mahal kita. Pag-aari mo ako at ako'y iyo lamang habang buhay, huwag mo lang sana akong ipamigay. Darating man ang araw na maaalala mo ako, bukas ako para sa iyo. Pagdating ng panahon na hahanapin mo ang mga kopya ng mga leksyon mo nung hayskul ka pa lamang, andito ako nakahandang bukalatin mo. Sapagkat ang mga dunong na iyong itinago sakin ay magiging walang silbi, hanggang hindi mo ginagamit. Dahil nagiging makapangyarihan ang dunong sa puntong ito ay ginagamit.
Sapagkat ang katalinuhan na tumatakbo sa isipan, ay nagiging kaalaman kapag ito ay naitala sa aklat na nagiging dunong kapag nabasa at nagkakaroon ng kapangyarihan na baguhin ang takbo ng bawat isipan ng mausisang nilalang na nagnanais at naghahanap ng pagbabago at kaganapan sa mga letrang naisulat sa mga lathala na pawang para sa ikabubuti ng lahat. Ngunit tila hanggang sa tanikala lamang ang mga iyon at kailanman ay walang iisang madaliang paraan upang maisakatuparan ang ginintuang panukala na umiinog sa matatabang utak ng mga tinaguriang abang manunulat.
Ang mga bagay at lihim na diwa na minsang inyong naisulat sa akin ay kailan may hindi na mababago hanggang sa iyong pagbalik upang ayusin at pamatnugutan ang mga alaalang iyong naisulat dito sa isang lumang kwaderno na ngayon ay iyo na lamang itinabi dito sa madilim na bodega na imbakan ng mga kinakalimutan ng mga alaala.
Ako ay matiyaga at mapakumbabang maghihintay sa iyong pagbabalik upang muli ay buklatin, banghayin at iguhit na muli sa himpapawid ang ngiti sa iyong gunita nung tayo ay magkasama pa. Iingatan mo pa sana ako, sapagkat akoy mapapakinabangan pa ng iyong susunod na henerasyon. Upang sa ganun ay mapakinabangan nila ang iyong sipag na magtala ng mga mahahalagang bagay sa kasaysayan dito sa iyong abang kwaderno.#
tnx for the picture..
No comments:
Post a Comment